PENSEES: etika sa filipino
Monday, December 19th, 2005sulit ang pamimilosopo pag ginagamit sa tunay na buhay.
- Sadyang nilalapitan ang mabuti dahil ito ay sadyang mabuti at karapat-dapat upang piliin, paghirapan at panindigan. Walang mabuting madaling kamtin, sakali ma’y marami-raming dapat hamakin. Bagaman sa tulong ng talino’y maaaring itong pagaanin, ang kahulugan (at alinsunod nito – ang kabutihan) ay lumalalim sa tindi ng mga gawaing natapos at mga hamong nalampsan (nang may saysay).
- Iba ang ligaya at ang mabuti – liligaya lamang ang tao nang lubos sa bagay na mabuti; hindi dahil sa madali itong makuha o dahil sa ito’y nagbibigay ng ginhawa – kundi dahil sadya itong mabuti.
- May kaibahan ang ginhawa at ang kaligayahan, ang una’y naka-angkla sa madaling gawin ang ikalawa’y nakakapit sa kahulugan. Hindi laging maginhawa ang paghahanap ng kahulugan – hindi rin naman makahulugan ang lahat ng maginhawa. Ang ginhawa’y madaling maramdaman (ganun din naman ang sakit), ngunit ang kahulugan ay hindi nakikita sa kababawan ng mga pangyayari.
- Sa mabuti’y di maaring maging tanga, tamad o ubod nang ginhawa… wala itong pinuputol at pinipigil. Ang pagtamo nito’y isang paghinto – isang tiyak na paghinto dahil ito’y hudyat ng pagkagamit ng lahat ng lakas at tapang na mayroon ang isang tao. Bagaman sa mabuti, wala kang hahangarin kundi ang ituloy ang laban, ang pagpapanatili nito.
Veritas in caritate – ang katotohanan sa pag-ibig. Ang pag-ibig ay nananahan sa katotohanan, ang katotohanan ay nananahan sa pag-ibig. At syempre, ang totoo ay yun lamang sadyang mabuti.