PENSEES: mga aral sa Dangal
Friday, August 19th, 2005Salamat Padre Nantes! Pinaganda mo ang aking umaga.. =)
1. Ang kailangan ng ating bayan ay hindi lamang mga mamumuna na walang ginawa kundi hanapin ang bawat pagkakamali sa sistemang namumutawi. Kailangan ng bayan ng mga propeta – mga taong handang magbuwis ng buhay upang ipaglaban ang tama at ang mga taong nararapat mabuhay nang ayon sa tama. Kakaiba ang propeta sa isang simpleng manghuhula, ang ikalawa’y naghahayag ng mangyayari sa kinabukasan nang pasuntok sa buwan – marahil may basehan rin naman sila sa pagsasalita, ngunit ang anumang hinulaa’y hindi nangagako ng katiyakan. Ang una, tulad ng manghuhula ay maaaring hindi kakitaan ng anumang tiyak – subalit ‘pag sumablay siya sa kanyang mga pangitain, paniguradong hindi siya propeta. Samakatuwid, ang manghuhula ay maaring maging huwad samantalang ang propeta ay nagsasabi ng katotohanan.
2. Likas sa guro ang magmarunong – sa tamang paraan; sa malinis na hangaring maghatid at magmulat ng tao sa katotohanan. Likas man sa kanya ang pagiging “pulis kalawakan” (kampon ni Shaider, hehehe), tao pa rin siya. Hindi siya nariyan upang maghatid ng ligaya – hindi siya payaso, hindi rin siya nariyan upang magpadali ng buhay – hindi siya katulong o kasambahay, hindi rin lang siya nariyan para purihin ka – dahil kailangang magpunla ng pawis para makamtan lamang iyon. Hindi siya naglalakad na aklat, hindi niya hawak ang sagot sa lahat ng pwedeng maisip na katanungan. May tangan siyang kaalaman – bitbit niya ito sa kanyang ulo, dahil sa karakter na kipkip niya sa kanyang puso. Sa pagitan ng isip at puso, mas malakas na armas ng isang guro ang puso – kung may tangan siyang pag-ibig sa katotohanan at sa mga taong nararapat tumangan nito, malaki ang posibilidad na magtagal siya sa larangan.
3. Ang unang sakit na kailangang lunasan ay ang katangahan (sige, gawin nating mas dalisay– kamangmangan, hehehe… anu’t-anupa ang tawag, hindi pa rin ito maganda sa tainga – walang talinhaga ang magkukubli sa mga bagay na hindi ayon sa katotohanan). Ang mga duktor na lulunas nito’y di lamang gagamit ng isip, kundi pati na rin ng puso – sapagkat ang mga iyon rin ang kanilang titingnan at hahaplusin sa mga taong kanilang lulunasan.
4. Palabra de honor ang patunay ng pag-ibig (hindi na natin kailangang ibukod ang tunay na pag-ibig sa huwad, sapagkat kung ito’y huwad; hindi ito pag-ibig, hehehe). Ito’y hindi naayon sa gana (sa pansamantalang kasiyahan or sa pagkakainip) – kahit sa larangang ito’y kailangan din ng propesyonalismo. Ang pag-ibig ay tawag ng tungkuling nakabaon sa pangakong binibitiw ng isang taong may malalim na pananampalataya, bukas ang isip, at mulat ang mata sa katotohanan sa mga tunay na pangyayari habang hindi nalulunod sa sariling emosyon. Ang gana sa bawat gawain ay tinataguyod ng malalim na kagustuhang matuntong ang katotohanan at ang kabutihan.
5. Veritas in caritate – ang katotohanan sa pag-ibig. Ang pag-ibig ay nananahan sa katotohanan, ang katotohanan ay nananahan sa pag-ibig.